SA pag-aakalang masosorpresa ang mga panatikong miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sinalakay ng nasa 2,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP ang KOJC compound sa Barangay Buhangin sa Davao City.
Ayon kay PNP Davao regional police chief Brig. Gen. Nestor Torre, layon ng operasyon halughugin ang 30-ektaryang compound para hulihin ang puganteng Pastor Apollo Quiboloy sa bisa ng warrant of arrest.
“Nandito sa loob si Quiboloy. Hinahanap namin. Dalawang warrant of arrest ito sa mga kaso nila. Sa bawat warrant, tigli-lima sila… Kasama rin ang mga co-accused niya sa hinahanap natin,” wika ni Torre sa isang panayam.
Dakong alas 5:27 kaninang umaga nang ganap na makapasok ng mga pulis ang KOJC Compound matapos makatanggap ng impormasyon na nasa naturang lugar ang dating presidential spiritual adviser ni former Rodrigo Duterte.
“We received Information that Pastor Apollo Quiboloy and his other co-accused are inside the KOJC Compound. The police personnel who entered the compound are all unarmed. We will inspect every part of the property even if it takes hours or days so we can ensure that we will find Quiboloy,” pahayag naman ni PNP spokesperson Jean Fajardo.
“Sana sumurrender na siya (Quiboloy). Makikita at makikita rin siya. It’s just a matter of time. Pahihirapan pa niya supporters niya,” ayon naman kay Torre.
Kasalukuyang nasa loob npa rin ng KOJC compound sa Davao City ang mga pulis para sa pagsisilbi ng warrant of arrest kay Quiboloy at apat pang kapwa akusado sa mga kasong kriminal na isinampa ng Department of Justice.
Hinigpitan na rin ang seguridad sa loob at labas ng KOJC Compound sa tulong ng iba pang pulis na mula pa sa regions 10, 11, 12 at 13.
Samantala, isang miyembro ng KOJC ang kumpirmadong binawian ng buhay bunsod ng atake sa puso sa gitna ng ng operasyon.
