TARGET ni Senador Raffy Tulfo talupan sa bisa ng isang congressional inquiry ang pagbili ng Land Transportation Office (LTO) ng mga di umano’y palpak at overpriced na breathalyzer gamit ang pondo ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang nasayang na P51 milyong ibinayad ng LTO sa supplier ng 756 units ng breathalyzer.
Sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Services, inamin ni LTO Law Enforcement Service Director Francis Almora, na wala siyang ideya kung magkano ang halaga ng 756 units ng breathalyzer na binili ng ahensya – bagay na sinagot mismo ni Tulfo.
Ayon sa senador nagkakahalaga ng P68,000 ang presyo per unit – malayo sa P5,000 per unit na kalakaran sa merkado.
“P68,000 per unit. Napakamahal yata kasi sir nag-check kami diyan. Sa US mataas ang standard nila, P5,000 lamang. Sa US po, P5,000 to P14,000 ang isang breathalyzer. Sa Thailand, P3,000, sa China P22,000.”
Sa 756 breathalyzer units, 215 piraso ang binigay di umano sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at habang inisyuhan naman 50 ang Philippine National Police (PNP).
Meron din aniyang ipinamahagi sa mga regional office.
Subalit nilinaw ni MMDA at maging ng PNP, minabuti na lamang nila isoli ang mga naturang breathalyzers dahil hindi rin naman mapakinabangan.
“Ibig sabihin yung breathalyzer na P68,000, ang halaga lang nun wala pa sa piso dahil palpak. You returned it,” sabi naman ni Tulfo.
Depensa naman ni Almora, wala siyang pwedeng sabihin hinggil sa palpak na na breathalyzer lalo pa’t 2023 lamang siya naitalaga sa pwesto.
