
BAGO pa man tuluyang nakatakas si dating Bamban Mayor Alice Guo, naglabas-masok pa muna ang kontrobersyal na alkalde sa mga karatig bansa sa kabila ng mandamiento de arresto na inilabas bunsod ng hindi pagsipot sa mga pagdinig ng Senado kaugnay ng illegal POGO.
Batay sa impormasyon ng isang mapagkakatiwalaang impormante, unang bumiyahe si Guo patungo sa China noong buwan ng Hunyo subalit bumalik din agad sa bansa para di umano ayusin ang tinawag niyang “unfinished business.”
Pag-amin ng impormante, nakalabas at tahimik na nakabalik sa bansa si Guo sa pamamagitan ng chartered flight.
Nang tanungin ang impormante kung paano lumabas ng bansa noong Hulyo 17 si Guo, sinabi niyang dumaan di umano sa backdoor ang sinibak na alkalde gamit ang isang pribadong yate patawid ng Borneo sa bansang Malaysia.
Gayundin ang paniwala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Anila, na hindi dumaan sa mga commercial flight si Guo sa kanyang tuluyang pagtakas.
Katunayan pa ayon sa PAOCC, wala maski anong rekord sa mga commercial flights o international shipping vessels ang pangalan ng alkaldeng nagpalipat-lipat ng bansa hanggang ika-labing walo ng Agosto.
Patuloy naman ang pagsisiyasat sa hangaring alamin kung paano at sino-sino ang kasabwat ni Guo sa pagtakas.
Samantala, nakatakdang magsampa ng mga kasong kriminal ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Agosto 27 laban kay Sheila Guo, ang kapatid ni Alice Guo, at Cassandra Li Ong.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ihahain ang mga kaso sa Department of Justice (DOJ) – paglabag sa Philippine Passport Act para kay Sheila Guo habang obstruction of justice naman ang ihahain laban kay Cassandra Ong na tumulong di umano sa pagtakas ni Alice Guo.
Tinyak naman ng DOJ na nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga bansang pinaniniwalaang pwedeng pagtaguan ni Guo para panagutin sa patong-patong na kasong nakasampa na sa husgado.