
Ni ESTONG REYES
BATID ng Bureau of Immigration ang bawat galaw ng sinibak na Bamban Mayor Alice Guo, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, kasabay ng giit na sadyang inilihim ng kawanihan ang impormasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Even the President was kept in the dark with that information. From what I have been told, they knew about this two weeks ago,” ayon kay Gatchalian sa isang online media briefing.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang paglilihim ng BI hinggil sa pagtawid ni Guo patungo sa bansang Malaysia – bagay na dapat sana’y ipagbigay-alam agad sa Pangulo para hindi na nakalayo pa ang sinibak na alkaldeng pinaniniwalaang sabit sa mahabang talaan ng mga kaso tulad ng scam farms, human trafficking, kidnapping, murder, money laundering at iba pa.
Maging ang pag-eskapo ni Cassandra Ong ng sinalakay na Lucky South 99 sa Porac at ng tatlong kapatid ng puganteng si Guo, alam din di umano ng BI bago pa man isiniwalat ang pagtakas ng dating Bamban Mayor.
Ayon kay Hontiveros, Hulyo 17 nang lisanin ni Guo ang Pilipinas patungo sa bansang Malaysia. Pagsapit ng kinabukasan, agad na bumiyahe di umano ang wanted na former mayor sa Singapore para katagpuin ang pamilya.
Mula sa Singapore, lumipad naman si Guo patungo sa Indonesia kung saan natimbog ang kapatid niyang si Sheila at Cassandra Ong.
Pag-amin ni Hontiveros, sa National Bureau of Investigation (NBI) – at hindi sa BI – nanggaling ang kanyang isiniwalat na impormasyon sa senado.
“I have become suspicious now because why do they have to keep this secret from us and the public?” ayon kay Gatchalian.
“They probably want to cover up the fact that Guo Hua Ping was able to escape all our law enforcement agencies. It’s not good that they hid this information for almost a month,” giit pa ng senador.