Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MANANATILING pangarap ang target na mabawi ng Pilipinas ang titulo bilang top coconut exporter sa buong mundo hanggat hindi binibitawan ng pamahalaan ang pangakong tulong sa hanay ng coconut farmers sa bansa.
Ito ang buod ng mensahe ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee kasabay ng paggunita ng ika-38 Philippine Coconut Week, kung saan partikular na panawagan ng kongresista bigyang prayoridad at ipagkaloob sa lalong madaling panahon ang livelihood assistance, health and medical benefits at iba pang suporta sa hanay ng mga magniniyog.
Para kay Lee, may potensyal na mabawi ng Pilipinas ang pagiging top coconut exporter kung higit na pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng local coconut industry.
“Kung gusto natin na maging top exporter ng niyog, bukod sa suporta sa pagtatanim, ay dapat ding tutukan ng gobyerno ang kapakanan at kalusugan ng ating mga magniniyog,” wika ni lee.
“Matagal na po natin itinutulak ang pondo para sa mga magniniyog, dapat ibigay agad sa mga magniniyog. Sa laki ng ambag ng industriyang sa ating ekonomiya, hindi dapat napupurnada ang pamamahagi ng ayuda para sa kanilang kabuhayan at serbisyong pangkalusugan,” dugtong ng mambabatas.
Samantala, labis na ikinatuwa ni Lee ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglabas ng P1 bilyon para sa mass coconut planting and replanting program, bukod pa sa P2.5 billion na ilalaan sa fertilization program.
Suportado din aniya ang pagnanais ni Marcos na ibalik sa Pilipinas ang pagiging world’s number one coconut exporter – pwestong kasalukuyang hawak ng bansang Indonesia.
“Sa pagpapalakas ng ating mga magniniyog, mapapaunlad ang industriya, magiging abot-kamay ang layunin nating maging top exporter sa mundo, makalilikha ng mga bagong oportunidad na dala ng iba’t ibang produkto mula sa niyog, lalago ang ekonomiya na magbibigay naman ng kakayahan sa gobyerno na palawakin ang serbisyo para sa taumbayan. Panalo ang sambayanang Pilipino… dagdag na suporta sa industriya ng niyog at proteksyon para sa mga magniniyog, gawin na natin!” pagtatapos ng kongresista.
