DUMATING na sa bansa ang ikalawang batch ng mga vote counting machines (ACM) na gagamitin sa nalalapit na 2025 midterm election sa kabila ng kontrobersiyang hinggil sa di umano’y suhulan sa pagitan ni Commission on Elections Chairman George Garcia at ng kumpanyang ginawaran ng kontrata.
Ayon mismo ng Comelec, nasa 8,640 ACM ang dineliver sa bodega ng poll body sa Biñan, Laguna.
”Comelec inspects each ACM to ensure their quality. Any machine that doesn’t pass the initial inspection will be returned for replacements,” saad sa isang pahayag ng Comelec kaugnay ng mga ACM na pinarating sa bansa ng South Korean firm Miru Systems
Sa kabuuan, pumalo na 24,000 ACM ang nasa Pilipinas. Sa nasabing bilang, 7,000 pang ACM units ang hindi pa lumalabas sa Bureau of Customs.
Buwan ng Hulyo nang simulan ng Miru magdeliver ng mga ACM, server, printer at laptop na gagamitin sa canvassing na isasagawa pagsapit ng Mayo ng susunod na taon. Inaasahan naman ng poll body na makukumpleto ang 110,000 ACM pagsapit ng Disyembre.
Marso nang igawad ng Comelec ang P17.99-bilyong kontrata sa Miru.
