Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BINOYKOT ni Vice President Sara Duterte ang pagdinig ng Kamara sa panukalang budget ng paara sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Bukod kay VP Sara, wala rin maski isang kinatawan ang lumutang sa pagpapatuloy ng budget hearing ng House Committee on Appropriations na nakatakda sanang tumalakay sa P2.037 bilyong hirit ng Office of the Vice President (OVP para sa susunod na taon.
Sa halip, isang liham ang pinadala ni Duterte kay House Speaker Martin Romualdez kung saan inihayag ng pangalawang pangulo ang pagsusumite ng mga detalyadong ulat kaugnay ng proposed 2025 budget ng OVP.
Ipauubaya na rin ani VP Sara ang pagpapasya sa komite hinggil sa alokasyon ng kanyang tanggapan.
“We defer entirely to the discretion and judgment of the Committee regarding our budget proposal for the upcoming year,” saad sa isang bahagi ng liham na natanggap ng Kamara bago mag-alas 9:00 kaninang umaga.
“I have also articulated my position on the issues outlined in my opening statement during the previous hearing on 27 August 2024,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.
Tuwiran naman naibulalas ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang mga katagang “bratinella talaga”, na pinatutungkulan ay ang pagtanggi ni Duterte na humarap sa pagdinig.
“It is her duty to answer questions here. This is non-negotiable. There should be no sacred cows in budget hearings. The OVP should be reminded that public office is a public trust. She should be faithful to that trust,” mariing sabi pa ng House lady minority official.
Nag-mosyon naman si Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta na i-terminate ang pagtalakay nila sa OVP 2025 budget deliberations bilang pagsunod umano sa tradisyon na pagbibigay ng parliamentary courtesy bise president kung saan sinegundahan naman ito ni Davao City Rep. Isidro Ungab, na kilalang kaalyado ng pamilya Duterte.
Gayunpaman, isinantabi ang hirit ni Marcoleta matapos na matalo sa botohan – 45 kontra at tatlo ang sang-ayon.
Giit ni Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Luz Quimbo, vice-chairperson ng komite at tumayong presiding officer, walang katuturan ang kortesiya kung ang kapalit naman ay ang pagtataksil sa tiwala ng publiko.
“Aanhin natin ang tradisyon kung tatalikuran natin ang ating obligasyon sa taong bayan na suriin ang budget,” dismayadong patutsada ni Quimbo.
Sa panig ni Ako Bicol partylist Rep. Raul Angelo “Jil” D. Bongalon, maging siya man di umano ay nadismaya sa pagmamatigas ng bise-presidente na humarap sa mga kongresista at sumagot sa kanilang mga tanong tungkol sa kung paano ginagamit ang pondo ng OVP.
“What is more frustrating Madam Chair, we have a vice president na nagpa-interview pa po kahapon at ngayon po no show siya sa budget hearing ng kanyang proposed budget for fiscal year 2025. Ang kinukuwestyon ko po dito Madam Chair is yung importansya ng pag-a-attend at pag-scrutinize ng budget,” ani Bongalon.
Gayunpaman, umaasa ang neophyte solon na hindi na pamamarisan ang asal ni Duterte ng iba pang itinatalaga at halal na opisyales ng gobyerno.
“Having said that Madam Chair, I move that we defer the termination of the deliberation of the proposed budget of the OVP subject to the conditions either number 1, reduce the proposed budget of the OVP and number 2, place the certain funds on hold until further discussions are held,” huling hirit ni Bongalon.
