HINIMOK ng Civil Service Commission (CSC) ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na tumulong sa pagsagip ng buhay sa pamamagitan ng paglahok sa gaganaping bloodletting drive sa darating na ika-12 ng Setyembre taong kasalukuyan.
Ang aktibidad na tinawag na “Dugtong Buhay, Handog ng Lingkod Bayan,” ay isasagawa ng CSC katuwang ang Department of Health – Philippine Blood Center (PBC) at ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, bilang bahagi sa pagdiriwang ng 124th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA).
Umaasa si CSC Chairperson Karlo Nograles ng suporta kapwa mula sa national at local government agencies, kasama ang kani-kanilang mga tauhan, sa dalawang linggong PCSA na may temang “Linggo ng Malasakit sa Kapwa.”
“Sa pagdiriwang natin ng isa na namang taon ng paglilingkod sa kapwa, inaanyayahan natin ang mga ahensya ng gobyerno at mga kawani na sumali sa isang buong araw ng pagpapakita ng malasakit. Ang kusang loob na pagbigay ng dugo para sa pangangailangang medikal ay isang uri ng serbisyo publiko na nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa buhay,” dagdag pa ni Chairperson Nograles.
Sa National Capital Region, ang blood drive ay gagawin sa CSC Central Office sa Batasan Hills at sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau Building, kapwa sa Quezon City. Samantala, ang lugar naman ng bloodletting activity sa mga rehiyon ay sa bawat regional office ng CSC.
Ang mga interesadong blood donor ay isasailalim sa screening base sa mga sumusunod na alituntunin: dapat ay nasa edad 18 hanggang 65 taong gulang, may timbang na hindi baba sa 50 kilograms o 110 pounds; hindi anemic; ang hemoglobin level ay kailangang 125 g/L; at ang blood pressure naman sa pagitan ng 90-160 mmHg para sa systolic at 60-100 mmHg naman ang diastolic; at ang pulse rate ay 50 hanggang 100 beats per minute.
Ipinabatid din ng CSC na ang government employees na sasali sa blood drive ay saklaw ng ‘official business’ sa itinakdang petsa.
Ang mga kuwalipikado at aktwal na nakapag-donate ng dugo ay bibigyan ng isang araw na compensatory time-off, alinsunod sa CSC-Department of Budget and Management Joint Circular No. 2, s. 2004.
Ang taunang selebrasyon ng PCSA ay bilang paggunita sa pagkakatatag ng Philippine Civil Service noong ika-19 ng Setyembre 1900 sa bisa ng Public Law No. 5, o “An Act for the Establishment and Maintenance of an Efficient and Honest Civil Service in the Philippine Islands”.
Para sa taong ito, ang PCSA celebration ay nakatuon sa kahalagahan ng sustainable management upang makamit ang future-ready civil service, alinsunod sa ten-year theme na “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes”.
Ang iba pang aktibidad na nakalinya para sa 124th PCSA ay kinabibilangan ng Medical Mission: Medical Relief for the Underprivileged, Tree Growing For-A-Cause, National Coastal Clean-up, 2024 Leaders & Human Resource Symposium, at ang Contact Center ng Bayan Partner Recognition Program.
Para sa iba pang impormasyon para sa 124th PCSA at schedule of activities, bisitahin ang visit csc.gov.ph/pcsa2024.
