
NAGPAHAYAG ng agam-agam ang mga retiradong heneral mula sa pambansang puliya, kasabay ng hamon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilantad na ang pangalan ng former PNP chief na di umano’y patong sa illegal POGO sa bansa.
Para kay former PNP chief Oscar Albayalde, malaking dagok sa integridad ng buong kapulisan kung patuloy na itatago sa publiko ang sinasabing pasok sa sindikato ng illegal POGO.
Una nang nagpasaring si retired Commodore at PAGCOR official Raul Villanueva sa pagdinig ng Senado sa pagkakasangkot umano ng isang dating PNP Chief sa nasabing usapin.
Bukod sa illegal POGO, ang hindi pinangalang ex-PNP chief din umano ang nasa likod ng pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ani Albayalde, hindi niya kailanman naka-engkuwentro o nakilala personal si Guo.
Hamon naman ni dating PNP Chief Rodolfo Azurin, pangalanan ni Villanueva kung sino ang tinutukoy niyang dating PNP chief na sangkot sa payola sa POGO at pagtulong sa pagtakas ng grupo ni Guo.
Sakalung nagsisinungaling si Villanueva, dapat aniyang kumilos si PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil para maghain ng kaukulang kaso sa pagyurak sa imahe ng pambansang pulisya.
Para naman kay dating PNP Chief Benjamin Acorda Jr., nalalagay sa alanganin ang pangalan ng mga dating naging PNP Chief at hindi naman ito patas sa mga walang kasalanan.
Nauna nang ipinag-utos ng pamunuan ng PNP ang malalimang imbestigasyon hinggil sa sinabi ni Villanueva dahil sa seryosong usapin ito at walang sasantuhin ang kapulisan at kakasuhan kung sino man ang mapatunayang sangkot dito.