NI FERNAN ANGELES
DALAWANG dekada matapos ang pagyao ni Da King, target ng apo ituloy ang adbokasiyang sinimulan ng kanyang lolo na higit na kilala hindi lang sa pelikulang Pilipino kundi maging sa pagiging pilantropo.
Sa pagsabak sa pulitika ng apo ni Fernando Poe Jr., marami ang natuwa. Dangan naman kasi, parang binuhay ang kanilang pag-asa.
Matapos ipasa sa Commission on Elections (Comelec) ang kanyang certificate of candidacy bilang nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist, sumumpa si Brian Poe Llamanzares sa mga taga suporta ng kanyang yumaong lolo – tuloy ang adbokasiya ni Da King para sa maralita.

Taliwas sa paandar ng mga trapong (traditional politicians) puro pangako pero nganga pagsampa sa pwesto, hindi plastado ang plataporma de gobyerno ng grupong nagtutulak sa grupo ni Poe sa landas ng Kongreso. Lahat ng isusulong na panukala, sa maralita masa magmumula.
Biglang bumalik sa aking alaala ang sambit ni FPJ sa gitna ng pangangampanya sa posisyon ng Pangulo noong 2010. Ani Da King, walang katapusan ang serbisyo sa mamamayang Pilipino.
Ito mismo ang landas na nais tahakin ng batang Poe — walang humpay na paglilingkod sa 90 porsyento ng populasyon — ang tinaguriang marginalized sector na kinabibilangan ng mga tsuper, kabataan, kababaihan, magsasaka, manggagawa at yaong mga nasadlak sa dusa bunsod ng kakulangan sa serbisyong panlipunan at kapakanan pangkaunlaran.
Hindi na bago sa pamilyang Poe ang makadaupang-palad ang mga maralita. Katunayan, maging ang kanyang inang si Senador Grace Poe paboritong lapitan ng mga taong nangangailangan.
Bukod kay Brian, kasama sa pakikibaka sa bisa ng parlamento sina Mark Patton, second nominee at Hiyas Dolor, third nominee ng FPJ Panday Bayanihan partylist.

Dumagsa din ang suporta sa naturang partylist sa Comelec nang pangunahan ni Krissy Abesamis, lider kabataan ng FPJ Panday Bayanihan – Manila Chapter, ang mobilisasyon ng kabataan. Dumating din ang dating miyembro ng Filipinos for Peace, Justice and Prosperity Movement (FPJPM) at iba pang tagasuporta ni FPJ noong 2004 presidential bid.
Sa kumpas ng mag-ina, sumipa ang parlamento ng pakikibaka sa sabayang martsa pagtungo sa bantayog ni FPJ sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.
