
NI FERNAN ANGELES
HINDI sapat ang katagang “nakakapangilabot” para ilarawan ang mga pagsisiwalat ng isa sa mga lubusang pinagkatiwalaan ni former President Rodrigo Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Palasyo.
Batay sa sinumpaang testimonya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma, si Duterte ang utak sa likod ng malawakang pamamaslang ng mga personalidad na pinaghihinalaang sangkot sa kalakalan ng droga.
Sa ikawalong pagdinig ng quad comm, nginuso ni Garma ang taong aniya’y malapit sa kanyang puso na di umano’y nasa likod ng extrajudicial killings – halaw sa tinaguriang Davao model – sa loob ng anim na taong panunungkulan bilang Pangulo.
“Sa aming pagpupulong, humiling siya na maghanap ako ng isang opisyal o operatiba ng Philippine National Police (PNP) na miyembro ng Iglesia Ni Cristo… nagpapahiwatig na kailangan niya ng isang tao na may kakayahang ipatupad ang War on Drugs sa pambansang antas, na ginagaya ang modelo ng Davao,” saad sa isang bahagi ng testimonya ni Garma.
Para patunayan ang lalim ng kanyang nalalaman sa Davao model, ibinahagi ni Garma ang tatlong bahagi ng plano — ang reward system sa tuwing may tinumbang drug suspect, fundraising sa mga ikinasang operasyon, at ang reimbursement sa gastos na labas na inilaan pondo.
Kwento pa ni Garma, parte siya ng isang pulong na pinatawag ni Duterte noong Mayor 2016 – mahigit isang buwan bago ang pormal na pag-upo sa Palasyo.
Sa kanyang emosyonal na pagsisiwalat, tinukoy ang noo’y Col. Edilberto Leonardo (na nagbitiw kamakailan bilang Commissioner ng National Police Commission) na kapural sa pagsasagawa ng mapanganib na kampanya kontra droga.
Ang totoo, hindi madaling paniwalaan si Garma. Ito marahil ang nasa isip ni Senior Deputy Speaker Dong Gonzales ng Pampanga na direktang nagtanong kay Garma — “May namilit ba sayo na magbigay ng testimonyang yan?”
Ang tugon ni Garma — “Wala po [pumilit], Mr. Chair. Inabot ako ng isang linggo para magmuni-muni. Narealize ko na ang katotohanan ay palaging magpapalaya sa atin. So, kahit paano, makakatulong ako na gawing mas mabuting lugar ang bansang ito para sa ating mga anak.”
Si Duterte at iba pang mataas na opisyal mula sa kanyang administrasyon ay kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong “crime against humanity” sa panahon ng tinaguriang sistematikong kampanya ng mga pagpatay ng pulis.
Batay sa opisyal na tala ng pulisya, humigit-kumulang 6,000 ang namatay kaugnay ng madugong giyera kontra droga. Sa datos ng iba’t-ibang human rights organizations, humigit kumulang 30,000 pinatay — kabilang ang pamamaslang ng mga vigilante na konektado sa mga patakaran ni Duterte.
Sa ganang akin, marami pang kabalbalan ang dapat maihayag sa mga mamamayan. Higit na angkop isapubliko ang mga personalidad na sangkot sa karimarimarim na yugto sa ating kasaysayan.
Hindi pa tapos ang laban. Wala na sa pwesto si Duterte pero hindi tayo dapat kampante.
Hindi na ko papayag muling balikan ang madilim ng yugto ng ating kasaysayan. Ikaw, payag ka ba?