TATLONG bank accounts na pinaglalagakan ng salaping nakalaan para sa pabuya ng mga operatibang bahagi ng madugong giyera kontra droga ang natunton ng quad committee sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara.
Partikular na tinukoy ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong overall chairman ng quad committee ang tatlong bank accounts sa pangalan ng dating detainee na si Peter Parungo.
Sa mga natuklasang deposito, kumbinsido si Barbers na sa naturang bank accounts kinukuha ang pabuya para sa mga “mananabas.”
Nakatakda na rin ipatawag ng joint panel ang isang Irmina Espino, alyas “Muking” na di umano’y tauhan ng isang dating opisyal ng Palasyo sa loob ng mahabang panahon.
Para kay Barbers, higit na angkop busisiin ang mga nakatalang transaksyon sa mga bank accounts ni Parungo sa Metrobank, Banco De Oro (BDO) at Philippine Savings Bank (PSBank).
“Kung ipapahanap natin sa AMLA ang financial transaction sa tatlong bangko na binabanggit, malaki ang pera doon,” ani Barbers sa paniwalang pasok din sa money laundering ang nadiskubreng deposito sa bangko.
Sa isang sinumpaang testimonya, inamin ni retired Colonel at former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na siya mismo ang nagrekomenda kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Davao Regional Director Col. Edilberto Leonardo kay Pangulong Rodrigo Duterte na noo’y naghahanap aniya ng may kakayahan pamunuan ang isang task force sa implementasyon ng giyera kontra droga, halaw sa Davao model.
Bukod kay Leonardo, kabilang rin si Parungo sa mga binigyan ng papel sa task force. Ang trabaho ni Parungo — kolektahin at beripikahin ang mga impormasyon ng mga drug suspects na nasa drug list.
Pangalan din ni Parungo ang ginamit sa pagbubukas ng bank accounts kung saan dadalhin ang pondong kailangan sa operasyon — kabilang ang pabuya sa kada ulong babaunan ng punlo.
Isinalaysay din ni Garma ang tungkol kay Espino na di umano’y pinagdadaanan ng mga sensitibong impormasyon, komunikasyon at financial transactions kaugnay ng giyera kontra droga ni former President Rodrigo Duterte.
