MULA sa barya-baryang delihensya, level-up na rin ang mga operatiba ng pambansang pulisya, ayon kay Laguna Rep. Dan Fernandez kasabay ng pahayag hinggil sa aniya’y imbestigasyon ng Kamara sa kabi-kabilang raid na tanging pakay lang di umano ay makahuthot ng malaking pera.
Partikular na tinukoy ni Fernandez ang pagsalakay ng Philippine National Police (PNP) sa Century Peak Tower sa Ermita, Maynila noong Oktubre 29 kung saan bumida ang pinagsanib na pwersa ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at National Capital Region Police Office (NCRPO).
“Alam mo kung ano ang nakita, binabago nila ang CCTV, ginagalaw nila para hindi mahuli yung pagre-raid nila. So we need to investigate this,” wika ni Congressman Fernandez.
“Tine-take advantage nila yung pagpapasara ng POGO para kumita na naman sila,” dugtong ng kongresista.
Una nang itinanggi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na wala silang kinalaman sa naturang operasyon sa lungsod ng Maynila.
“The Presidential Anti-Organized Crime Commission was not part of the raid that was spearheaded by the PNP NCRPO and the PNP-ACG. We were never consulted nor informed regarding this operation. We never release any foreign nationals caught in POGOs,” saad sa kalatas ng PAOCC.
“Please do not associate PAOCC with flawed operations.”
