
HINDI na interesado ang Kamara sa pagdalo ni former President Rodrigo Duterte sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee na inatasang mag-imbestiga sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang kalatas, hayagang sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na walang dahilan pwersahin si Duterte na sumipot sa paanyaya ng quad comm para magbigay linaw sa mga pasabog na inilabas nina former Philippine Charity Sweepstakes Office (general manager Royina Garma at iba pang resource persons na nagdiin sa dating pangulo.
Ayon kay Fernandez, sapat na aniya ang katitikan ng Senate blue ribbon committee sa mga binitawang salita ni Duterte — kabilang ang pag-amin sa mga kasalanan at pag-ako sa responsibilidad sa malawakang patayan sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
“Parang kino coroborrate na niya yung sinabi ng aming mga resource persons doon eh… kasi hinahanap natin kung sino talaga ang nag-utos para dito sa tinatawag nating EJK at yung reward system. Ang isang bagay lang na wala tayong nakuha doon sa senado ay yung pagbabayad ng pera doon sa mga pumatay na police — yung incentives,” sambit ng kongresista.
“I think sufficient na iyon para hindi na natin tanungin si President Duterte,” dugtong pa ng mambabatas.
Gayunpaman, nilinaw ni Fernandez na kailangan na lang kumpirmahin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pagdaloy ng pondo para sa gantimpala sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
“Kung mapapatunayan, sa pakikipagtulungan ng AMLC at makita natin na meron talagang deluge of pondo na napunta kay Peter Parungo, which is by the way mayroon siyang rape case, at ordinaryong tao lang iyon. Kung makita natin mapatunayan natin then basically makikita natin yung sinasabi ni Col. Garma is true.”