ISANG riot ang sumiklab sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prisons (NBP) sa lungsod ng Muntinlupa, ayon kay NBP Acting Superintendent, Corrections Chief Inspector Roger Boncales.
Sa ulat ni Bocales sa Bureau of Corrections (BuCor), isa ang kumpirmadong binawian ng buhay habang dalawa naman ang sugatan sa suimiklab na karahasan sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng Maximum Security Compound ng pambansang piitan kahapon ng umaga.
Gayunpaman, hindi muna ibinunyag ng BuCor ang pangalan ng mga biktima hanggat hindi pa nakakarating sa mga pamilya at kaanak ang naganap na insidente.
Dahil na rin sa naganap na karahasan, agad na inatasan ang lahat ng superintendent ng lahat ng operating prison at penal farms sa bansa na magsagawa ng mga nararapat na hakbang para maiwasan ang panibagong karahasan at gantihan sa pagitan ng iba’t ibang pangkat sa mga kulungan.
Hindi naman sinabi ng kawanihan kung sususpindihin ang visitation rights ng mga preso sa pasilidad kung saan sumiklab ang karahasan.
