SA dami ng pangakong napako ng dating liderato, isang hamon sa komprehensibong benepisyo para sa mga mamamayan ang paabot ng isang partylist congressman sa bagong talagang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Partikular na kinalampag ni Agri partylist Rep. Manoy Wilbert Lee si Dr. Edwin Mercado na hinirang kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang President at Chief Executive Officer ng PhilHealth, na pabilisin ang implementasyon ng pinalawak na health benefits para sa sambayanang Pilipino.
“Marami pang hamon at dapat gawin sa PhilHealth and we are looking forward to working with the new President and CEO Dr. Mercado. Umaasa tayo sa patuloy na pakikiisa at pagtupad ng PhilHealth sa pinaglalaban natin na commitment para mapababa ang gastos sa pagpapa-ospital ng mga Pilipino, hanggang makamit natin ang libreng gamot at pagpapagamot,” wika ng Bicolano legislator na tumatakbong senador sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Garantiya ni Lee, hindi niya tatantanan “ang pangangalampag at paniningil sa Department of Health (DOH) at PhilHealth para sa agarang pagpapatupad at pagpapatibay ng mga repormang pangkalusugan.
Giit niya, ito “para magpalit man ng liderato o administrasyon ay tuloy-tuloy pa rin ang pagdaragdag ng mga benepisyong karapatan at deserve ng bawat Pilipino.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
