ASAHAN ang mas mabilis na pag-apula sa nasusunog na Navotas Sanitary Landfill sa tulong ng access road na tatawid sa islang nagsilbing tambakan ng basura sa loob ng mahabang panahon.
Sa hudyat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pwede na rin anilang pumasok ang mga heavy equipment para sa operasyon ng pag-apula ng sunog sa naturang lugar.
Ayon sa DPWH, kabilang sa mga ipinapasok na kagamitan ang backhoe, bulldozer, dump truck at dredger upang mapabilis ang pagresponde at mapigilan ang pagkalat ng makapal at nakalalasong usok na nakaaapekto sa mga residente ng Caloocan, Malabon, Navotas at Bulacan.
Isinagawa ang hakbang bilang pagtugon sa direktiba ng Pangulo, sa pakikipagtulungan ng DPWH sa lokal na pamahalaan ng Navotas at pribadong sektor.
Layunin ng proyekto na mapabilis ang tuluyang pag-apula ng sunog at mabawasan ang panganib sa kalusugan ng mga apektadong komunidad.
