SA unang sultada pa lang ng pagdinig ng tri-committee ng Kamara, agad na nabisto ang ang isang coordinated network ng Chinese-linked social media accounts na nasa likod ng malawakang pagkakalat ng anti-Marcos contents, habang pilit pinababango ang imahe ni Vice President Sara Duterte.
“Kasagsagan ng March hanggang July, meron po kaming monitor na Chinese state media na actively po nagpupunla ng iba’t ibang at mga kuwestyonableng impormasyon tungkol sa sigalot sa West Philippine Sea,” pahayag ni Niceforo Balbedina III ng PressOnePH.
Sa isang presentasyon sa Kamara, inilahad ang ginawang pagsisiyasat na tinatawag na Foreign Influence Operations (FIO) and Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) in the Philippines.
“At ito po yung pinaka-latest na meron po kami na hukay na pro-China network of X accounts na nagsususog ng anti-Philippines sentiments, habang nagpupush ng content related po kay Vice President Sara Duterte,” dagdag pa niya.
Tahasang tinukoy ni Balbedina ang China Daily, ang pinakamalaking English-language newspaper ng China at ang TikTok affiliate platform na “Media Unlocked” bilang sources ng AI-generated disinformation contents.
“Dito po sa channel na ito, nag-upload po sila ng mga videos na gumagamit ng AI at na-questionable po ang content,” dugtong ng resource person.
Matapos naman ilathala ng PressOnePH ang investigative stories na nagbubunyag sa nasabing channel, bigla naman umano itong dinagsa ng negative comments mula sa mga Pilipino dahilan para alisin ang mapanirang content.
“However, it resurfaced shortly after, amassing millions of followers despite having no content. Many of these so-called followers were from Spanish-speaking countries and showed no interest in the WPS, raising suspicions that they were bot-generated or bought from online growth services,” ayon kay Baldedina.
“Possible hong nabili ho siya sa mga online growth services. So hindi po siya, hindi siya totoo ang accounts na in a sense na hindi siya totoo na yung pag-interact doon sa issue na yun,” paliwanag niya.
Ang nasabing network, na kadalasang ginagamit ang X (dating Twitter), ay nadiskubreng nagpopost ng content na banat kay Marcos habang binubuhat ang bangko para sa pangalawang pangulo.
“Chinese in nature yung accounts, pero yung siya-share po nila ang picture, may Tagalog ng mga kataga… meron po kaming nai-identify na 107 accounts as of 11am this morning na nagpapakalat ng mga anti-Philippines sentiment on Twitter. Yung mga accounts po nito, yung iba sa kanila, Chinese ang pangalan. Karamihan sa kanila, sabay-sabay ginawa,” paglalahad social media expert.
“Yung posting activity po nila ay very reactionary sa oras at sa development sa ating bansa. So for example yung Polvoron video, sobrang dami po nilang basis nilabas yun. Right after pinirmahan yung maritime zones law at yung baselines law. Anti-Philippine sentiments po. Against West Philippine Sea efforts ng Pilipinas and against our President,” dugtong ni Balbedina.
Samantala, bilang tugon sa disinformation campaigns na ito, nabatid na pansamantalang pinatigil ng social media platform X ang ilang Chinese-linked accounts na nasa likod ng pag-atake kay Marcos, habang 24 sa 107 accounts ang tuluyang nilusaw. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
