MAHIGPIT na pinabulaanan ng Marikina Federation of Public School Teachers (MFPST) ang anila’y iresponsableng pagbabalita ng GMA News hinggil sa umano’y vote buying sa lungsod.
Sa pahayag, sinabi sa opisyal na pahayag ng MFPST na “napaka-iresponsable” ng GMA News sa paggamit ng hindi beripikadong impormasyon, anonymous sources, at pangalan ng mga guro upang palitawing sangkot sila sa isang reklamo hinggil sa umano’y vote buying.
“Kami ay mga guro—hindi kasangkapan ng pulitika,” ayon sa pahayag ng MFPST
“Mariin naming kinukondena ang iresponsableng ulat ng GMA News,” giit pa ng grupo.
Anila, walang katotohanan ang ulat at wala silang ipinalalabas na opisyal na pahayag hinggil sa sinasabing vote buying.
“Wala pong galing sa aming samahan ang sinasabing anonymous letter. At higit sa lahat, hindi kami nagparatang ng vote buying,” ayon sa grupo.
“Ang tulong sa mga guro, gaya ng medical assistance, crisis support, at iba pang programang nakatuon sa aming kapakanan, ay hindi bago at hindi lang tuwing eleksyon ginagawa. Matagal na po itong bahagi ng mga regular na inisyatiba para sa mga public school teachers ng Marikina,” paliwanag pa ng grupo.
Anila, lumabas ang ulat nang walang sapat na batayan, walang kumpirmadong grupo, at walang panig ng katotohanan. “Isa itong uri ng paninira, hindi ito lehitimong pamamahayag.”
“GMA News, ang simpleng pagtanggal ng artikulo ay hindi sapat,” diin ng grupo.
Idinagdag ng grupo na: “Ginamit ninyo ang aming propesyon, ang aming dignidad, at ang pangalan naming mga guro sa isang kwentong walang integridad. Maging responsable. Maging accountable. Hinihingi namin ang isang malinaw, direktang PUBLIC APOLOGY.”
“Kami ay mga guro ng Marikina. May dangal, may prinsipyo, at may tinig. At sa panahong binabaluktot ang katotohanan, hindi kami mananahimik,” pahabol ng MFPST.
