DALAWA katao, kabilang ang 5-taong gulang na batang babae, ang nasawi matapos araruhin ng isang itim na SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Mayroong dalawang namatay kasama na ‘yung batang-batang five-year-old daughter ng OFW,” wika ni Transportation Secretary Vince Dizon sa isang panayam sa radyo.
“Tatlo ang injured na dinala sa San Juan de Dios Hospital… Ang initial report, I think okay naman,” dugtong ni Dizon.
“Nakakalungkot talaga ‘yung nangyari. Nakikiramay tayo lalo sa OFW na namatayan ng anak niya ngayon. Masakit. Kausap ko ‘yung father kanina. Hinatid lang siya (OFW) nung anak niya, pamilya,” dagdag ng Kalihim.
Samantala, tiniyak ni Dizon na sasagutin ng San Miguel Corporation (SMC) na nangangasiwa sa operasyon ng paliparan, ang lahat ng gastusin ng mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 9:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Terminal 1 ng NAIA.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng otoridad ang driver ng SUV.
“Nireview din namin ang CCTV kaya ako nagtagal kaunti. Yung driver ay may inihatid na pasahero. Right now, initially, mukhang [hindi] pumunta yung driver para managasa. Hindi intentional,” anang DOTr chief.
