PARA kay Mayor Abby Binay, mas nanaisin pa niyang matalo sa Senado kaysa manalo ang nakatatandang kapatid na tumatakbong alkalde laban sa asawang si Atty. Luis Campos sa Makati City.
Sa binigkas na talumpati kamakailan sa campaign trail sa lungsod, sinabi ni Abby Binay na pumunta siya sa rally upang ikampanya ang Team United sa pangunguna ng kabiyak na si Atty. Campos na tumatakbong alkalde laban kay Senador Nancy Binay sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA), ang partidong itinatag ng amang si former Vice President Jejomar Binay.
Aniya sa mamamayan na dumalo sa rally na kahit hindi nila iboto ang sarili bilang senador, basta iboto lamang ang straight Team United,
“Andito ako sa pagbigay ng suporta sa Team United. Sasabihin ko ito, kahit huwag nyo na akong iboto, iboto nyo na lang straight ung Team United. Ganito po ka-importante sa akin ang Team United,” ani Abby Binay,
Sinabi pa ni Abby Binay na huwag na din siyang ikampanya sa Makati City dahil mas importante sa kanya na manalo ang buong slate ng Team United sa Makati.
“Sinasabi na ikakampanya daw po ako, tumatakbo akong senador sa Senado, huwag nyo na akong ikampanya, dahil mas importante po sa akin ang manalo ang buong slate ng Team United sa Makati,” dugtong ni Abby.
Aniya, bonus lamang ang kanyang pagtakbo sa Senado na hindi naman nito ikamamatay (sakaling matalo) at mas gugustuhin niyang makitang manalo ang kabiyak kaysa manalo si Senador Nancy.
“Iyong pagtakbo sa Senado ay bonus lang hindi ko naman ikamamatay, hindi naman akong masyadong excited pero kung mananalo man tayo sa Senado, itaga nyo sa bato, lagi nyo akong makikita sa TV,” aniya.
Ngunit, sakaling masungkit ang pwesto sa Senado, tiniyak ni Abby na siya’y “makikipag-away” hinggil sa desisyon ng Korte Suprema sa 10 EMBO barangays na napunta sa Taguig City.
“Lagi nyong maririnig ang boses ng isang senador na taga Makati, Lagi nyo akong makikitang makikipag-away doon. Bagay na bagay ako doon. Feeling ko nga parang ninenerbiyos na sila kailangan po natin sa senado.”
