MATAPOS ang ilang araw na pagtatago, sumuko ang 22-anyos na lalaking kumatay sa babaeng service crew sa loob ng Turks Shawarma sa Quezon City Linggo umaga.
Ang suspek na nakilala sa pangalang Eduard, dating nagtatrabaho din sa sangay ng Turks sa panulukan ng Tandang Sora Ave. at Quirino Highway, sa Barangay Sangandaan, Quezon City ay sumuko sa Barobo Municipal Police Station (MPS).
Sa report kay Provincial Regional Office (PRO) 13, Regional Director Brig. Gen. Christopher Abrahano, bandang alas-12:45 ng hatinggabi nitong Huwebes nang sumuko sa mga awtoridad ang suspek kasama ang kanyang ina.
Matapos umanong mapatay ng suspek ang katrabahong si alyas Lyka, 27, noong Linggo ay agad na umuwi sa probinsya para magtago sa batas ang suspek.
“Ito pong suspek at ang biktima ay dating magka-tandem dito sa mga stores. Nung nakaraan lamang three weeks ago, ay nangyaring kinompronta nitong biktima itong suspek patungkol dito sa discrepancy ng kanilang inventory report. So dahil po doon ay nagkaroon sila ng alitan at ito pong suspek ay natanggal dito sa trabaho,” pahayag ni Capt. Febie Madrid, tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang panayam.
“May nakuha kasing witness itong investigator na doon sa pinasukang trabaho ng suspek ay nakita siya ng kanyang katrabaho na may mga kalmot sa mukha noong araw na iyon,” dagdag pa ni Madrid.
Inaasikaso na aniya ng Barobo MPS ang turnover ng suspek sa QCPD para sa pagsasampa ng karampatang kaso.
Dakong alas 8:55 ng umaga noong Linggo (May 4), nang madiskubre ang bangkay ng biktimang tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (LILY REYES)
