SA hangaring tiyakin ang kaligtasan sa lansangan, nakatakdang isalang ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng tsuper ng mga pampublikong sasakyan.
Para kay LTO chief Vigor Mendoza, hindi na dapat maulit ang malagim na aksidenteng naganap kamakailan sa kahabaan ng SCTEX kung saan 10 indibidwal ang binawian ng buhay.
Bukod aniya sa mga driver, tiniyak ng LTO chief na mas magiging mahigpit ang kawanihan pagdating sa roadworthiness test ng mga sasakyan.
Kabilang sa sinisipat isalang sa unang bugso ng pagsusuri ang mga motorcycle taxi riders, bus drivers at truck drivers sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Samantala, inatasan din ni Mendoza ang mga Regional Directors na makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsasagawa ng random drug test sa lahat ng PUV drivers sa nasasakupang rehiyon.
