HINDI katanggap-tanggap para sa mga residente ng Angat sa lalawigan ng Bulacan ang pagbasura ng Malolos City regional trial court sa inihaing protesta kaugnay ng resulta ng nakaraang halalan.
Sa isinagawang pagtitipon ng mga residente ng Angat, nanawagan si Engr. Lamberto De Leon sa korte na ikonsidera ang mga ebidensya at testimonya ng mga botante mula sa iba’t ibang barangay kabilang ang Binagbag, Laog, Pulong Yantok, Sta. Cruz, at San Roque.
Sa kabila ng desisyon ng Malolos RTC, nilinaw ni De Leon na hindi kailanman mawawala ang tiwala ng mga Angateno sa korte.
“Kaya nga naghain ang legal team namin ng motion for consideration kasi naniniwala kami sa integridad ng korte,” ani De Leon matapos isumite ang petisyon sa Clerk of Court.

Hiling ni De Leon sa korte, baliktarin ang pagbasura ng election protest dahil sa “technical insufficiency.”
“Malinaw ang kalatas ng Malolos RTC… technical insufficiency. Hindi sinabi ng korte na walang dayaan,” dugtong ni De Leon na nagsilbing Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer ng First District Engineering Office ng Metro Manila.
Kalakip ng motion for reconsideration ang mga detalyadong affidavit at ebidensya ng saksi, alinsunod sa Rule 2, Section 10(c) ng 2022 Interim Amendments sa Rules of Procedure in Election Contests involving Municipal Officials. (ITOH SON)
