KALABOSO sa inilatag na checkpoint sa bayan ng San Mateo, Rizal ang dalawang indibidwal na lulan ng isang closed van matapos mabuking na nagbabyahe ng umano’y nakaw na krudo.
Sa impormasyong ibinahagi ng Philippine National Police-Highway Patrol Group, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga operatiba nang pahintuin ang naturang sasakyan dahil sa sirang ilaw.
Nang hingan ng lisensya, walang naiprisinta ang 46-anyos na driver. Bigo rin ang hindi tinukoy na driver at pahinante magpakita ng rehistro ng sasakyan.
Dito na nagduda ang mga pulis na nagpasyang inspeksyunin ang sakay ng van kung saan tumambad ang konte-container na krudo.
Sa inisyal na datos, umabot sa 7,000 litro ng diesel ang kinumpiska dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.
Sa follow-up operation sa Lower Patiis Road, Brgy. Malanday, nadiskubre pa ang isang storage facility na umano’y ginagamit para sa mga undocumented petroleum product na inuupahan ng isang alyas “Boss Vin”.
Nasa 8,000 litro pa ng langis at iba pang kagamitan ang nakumpiska sa naturang pasilidad.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pinagmulan ng nasabat na krudo.
