PATULOY na daranas ng kalbaryo ang mga motorista matapos ihayag ng mga kumpanya ng langis ang pagpapatupad ng panibagong oil price hike para sa gasolina at krudo.
Gayunpaman, ibinida ng mga oil companies ang 10 sentimos na tapyas presyo sa kada litro ng kerosene.
Sa magkahiwalay na kalatas ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp., papalo sa 40 sentimos ang umento sa presyo ng kada litro ng gasolina habang 30 sentimos naman ang ipapataw na dagdag presyo sa krudo na karaniwang gamit ng mga pampasaherong bus at dyip.
Inaasahan magkakabisa ang dagdag-presyo pagsapit ng alas 6:00 ng umaga ng Martes, Hunyo 3.
Samantala, isinisi naman ng Department of Energy-OIl Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ang pagtaas sa presyo ng gasolina at krudo sa napipintong pagpapataw ng economic sanction ng Estados Unidos sa Russia.
