LALO pang dumarami ang bilang ng mga Pinoy na mas pabor na makipag live-in na lang kesa gumastos ng malaki para sa pagdaraos ng isang kasal.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 7.8 percent (katumbas ng 414,213) ang magpakasal noong taong 2023 — mas mababa kumpara sa 842,728 na nagpakasal noong 2022.
Paliwanag ng PSA, unti-unti nang lumilipat ang mga Pinoy sa na tinatawag na “cohabitation” kesa sa pormal na seremonya ng pag-iisang dibdib.
Sa ibinahaging estadistika ng ahensya, lumalabas din na 19 percent ng mga kababaihang may edad 15 hanggang 49-anyos ang nakatira na kasama ang kanilang partner, ayon sa 2022 National Demographic and Health Survey.
Mas marami rin umanong ang ipinanganak na bata mula sa hindi kasal na umabot sa 842,728 kumpara sa 605,794 mula sa mga mag-asawang legal na nagsasama.
Pinakamarami naman ang nagpakasal sa buwan ng Pebrero, sinundan ng Disyembre at Hunyo. Nanguna ang Calabarzon (Cavite, Laguna, BAtangas, Rizal at Quezon) sa bilang ng pinakamaraming nagpakasal, habang ang BARMM ang may pinakamababa.
Ang civil weddings ay nasa 42.9%, Roman Catholic 31.4 percent at iba pang relihiyosong seremonya 23.5 percent.
Nananatili ang karaniwang edad ng pagpapakasal ng babae ay nasa edad 28-anyos habang 30-anyos sa mga lalaki. Nasa 12,630 babaeng menor-de-edad ang nagpakasal noong 2023.
