KUMBINSIDO ang House prosecution panel na higit na kailangan paghandaan ang mga susunod na kaganapan sa senado, partikular sa usapin ng impeachment case na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, sinagot ni Aty. Antonio Bucoy na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel ang pasaring ni Senate President Francis Escudero na nagsabing peedeng ibasura ng mataas na kapulungan ang impeachment case sa bisa ng botohan.
Ayon kay Bucoy, posibleng dumulog sa Korte Suprema ang House prosecution panel sakaling mangyari ang tinuran ni Escudero.
Gayunpaman, nilinaw ng abogadong tagapagsalita ng mga kongresistang bahagi ng House prosecution panel, na tiwala ang Kamara sa proseso ng impeachment, at umaasang gagampanan ng senator-judges ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Sa kabila nito, umaasa pa rin aniya ang House prosecution team na mananaig ang tama sa senate impeachment court.
