
PAGBABA sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang dahilan kung bakit hindi itinuloy ng gobyerno ang pamamahagi ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon ang agrikultura, ayon kay Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer
Partikular na tinugon ni Castro ang kabi-kabilang kalampag mula sa hanay ng mga tsuper, operator, mangingisda at magsasakang pinangukuan ng fuel subsidy para maibsan ang bigat ng gastusin sa krudong gamit sa hanapbuhay.
Paliwanag ni Castro, hindi rin naman pumalo sa $80 kada bariles presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado na aniya’y basehan ng gobyerno sa pagbibigay ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor.
May mga pagkakataon din aniyang hindi agad makapag desisyon ang gobyerno dahil sa pabago-bagong sitwasyon tulad ng nangyari sa Israel at Iran na humupa bago pa man ipamigay ang fuel subsidy.
“Sa kasalukuyan kasi ay umabot lamang sa US$65 to US$68 per barrel ang presyo ng krudo, world market, global market price so hindi agad ito mati-trigger,” ayon pa kay Castro.
Hindi naman aniya ipinagkakait ng gobyerno kung ano ang kailangan ng transport sector basta naaayon ito sa batas at polisiya dahil kasama sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtiyak sa kapakanan ng PUV drivers, operators at transport groups.