HINDI bababa sa 85,000 Persons Deprived of Liberty (PDL) ang pinalaya sa pamamagitan ng legal aid at paralegal services, ayon kay Jail Director Ruel Rivera sa ginanap na ika-34 na anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Para kay Rivera, malaking bentahe sa ang pagpapalaya ng mga PDL sa hangaring paluwagin ang mga pasilidad na nagsisilbing tahanan ng mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa hukuman.
Binigyang pagkilala rin ng BJMP Director ang tulong na ibinahagi ng Korte Suprema, Public Attorney’s Office (PAO), Integrated Bar of the Philippines (IBP), at mga law schools sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa isang talumpati, idinetalye ni Rivera ang makabuluhang progreso sa jail decongestion, PDL welfare, facility upgrades, at operational efficiency.
Aniya, bumababa ang overcrowding at pinalakas ang imprastraktura ng mga piitan.
Kabilang sa mga pangunahing tagumpay na ibinida ang patuloy na pagbaba sa antas ng pagsisikip ng pambansang bilangguan, mula 358% noong 2023 hanggang 296% noong 2025 – bagay na aniya’y hindi makakamit kung wala ang pinaigting na tulong paralegal at pagtatayo ng mga bagong pasilidad.
Noong nakaraang taon, siyam na gusali ng kulungan ang itinayo, anim na perimeter fences at isang functional area ang natapos, habang 19 perimeter fences at 15 functional area ang kasalukuyang ginagawa.
Binigyang-diin din ni Rivera na walang mga overstaying PDL ang nananatili sa mga kulungan na pinamamahalaan ng BJMP.
Bilang bahagi din ng kanilang anti-illegal drug efforts, ang BJMP, kasama ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ay nakakuha ng 230 drug-free jail certifications at 77 drug-cleared facility, habang nagsasagawa ng mahigit 314,819 greyhound operations sa buong bansa.
Pinuri ni Rivera ang pagbabantay ng mga jail personnel sa pagpigil sa kontrabandong smuggling
“Kapuri-puri rin ang sipag at husay ng ating mga searchers, gaters, at custodial officers na naka-kumpiska bago maipasok sa ating mga pasilidad,” pahayag ng BJMP chief. (LILY REYES)
