TULUYAN nang naubusan ng bwenas ang isa sa pinaka matikas na personalidad sa larangan ng talpakan matapos inguso bilang utak sa pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 34 na sabungero.
Sa paglantad ni Julie Dondon Aguilar Patidongan alyas Totoy, hayagang inamin ang partisipasyon sa kontrobersyal na kaso ng missing sabungero, kasama ang iba pang sangkot sa aniya’y krimen na isinagawa sa utos umano ni Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay Patidongan na nagpakilalang punong katiwala sa mga pag-aaring farm at sabungan ni Ang, hindi lang 34 na katao ang pinatumba ng kanyang amo dahil sa aniya’y “game-fioxing” sa talpakan.
Kabilang si Paditongan sa mga sinampahan ng kaso kaugnay ng mga nawawalang sabungero sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bukod kay Ang, nilaglag din ni Patidongan ang aktres na si Gretchen Barretto.
“Si Mr. Atong Ang… siya ang pinaka-mastermind at siya ang nag-uutos na talagang iligpit ‘yung mga ‘yan… may mga taong miyembro ng PNP na inuutusan para kumuha doon sa venue,” aniya.
“Si Miss Gretchen Barretto, 100 percent na may kinalaman siya gawa na lagi silang magkasama ni Mr. Atong Ang. Panawagan ko lang sa kanya, makipagtulungan na lang siya sa akin.”
Nang tanungin sa motibo ng pagkanta, sinabi ni Patidongan na siya’y naglakas-loob lumutang dahil alam daw niyang hindi kayang bayaran ng pera ang hepe ngayon ng Philippine National Police na si Gen. Nicolas Torre III. (EDWIN MORENO)
