SA hangarin tiyakin walang anumang alingasngas sa pagbalangkas ng pambansang pananalapi, nakatakdang buksan ng Kamara sa publiko ang proseso ng pagbusisi, pagdinig hanggang sa pagtibayin ang 2026 national budget.
Sa isang pulong-balitaan sa Kongreso, inihayag ng liderato ng Kamara ang pagpapatupad ng isang komprehensibong reporma na naglalayong gawing mas bukas, inklusibo, at tunay na alinsunod sa prinsipyo ng demokratikong pananagutan ang proseso ng pambansang budget.
Ayon kay Nueva Ecija Rep. Mika Suansing na tumatayong chairperson ng House Committee on Appropriations, aalisin na ng Kamara ang pagbuo ng “small committee” na siyang tumatanggap at nagkokonsidera ng mga panukalang amyenda ng mga kongresista sa General Appropriations Bill (GAB).
“This marks a major turning point. The so-called ‘small committee’—a mechanism that has long been mischaracterized and misunderstood—will be officially scrapped. We are replacing it with a process that unfolds in full view of the public,” pahayag ni Suansing.
Paglalahad ng House panel head, sa loob ng ilang dekada ay nagsilbi ang small committee bilang isang lupon na siyang bumubusisi sa ilalatag na pagbabago sa pondong hinihingi ng mga ahensya ng pamahalaan matapos ang ikalawang pagbasa ng GAB sa plenaryo.
Ayon kay Suansing, sa paglipas ng panahon, ito ay naging sentro ng batikos at madalas na pinapalabas bilang isang tagong mekanismo para sa “last-minute insertions.”
Kaya naman sa repormang ipatutupad, sinabi ng Nueva Ecija lady lawmaker na “wala nang tagong komite, wala nang huling minute at bubuksan na natin ang tabing sa usaping badyet.
“From now on, the people will witness the process in real time—because this is their budget,” dugtong ni Suansing.
Ang isa pang ipatutupad ng Kamara ay ang pag-aayos sa Budget Calendar partikular ang mas malalim na talakayan sa plenaryo ng panukalang pambansang badyet.
“We are committed to deliberating smarter, not just faster. Better budget scrutiny means better public service delivery,” garantiya ng mambabatas.
Dagdag ni Suansing, ang pagdaraos ng Bicam Conference Committee ay magiging bukas din sa publiko, alinsunod sa unang ipinahayag ni Speaker Romualdez, na maituturing na isang radikal na hakbang na taliwas sa nakaugaliang closed-door negotiations sa pagitan ng Kamara at Senado.
“The bicam shouldn’t be the curtain call of transparency—it should be its final act. We support Speaker Romualdez’s call for open bicam sessions so that the public sees how final budget figures are decided,” paglalahad pa niya.
Sinabi ni Suansing na bibigyan din ng pormal na partisipasyon ang iba’t-ibang civil society organizations at iba pang non-government actors bilang mga tagamasid sa lahat ng yugto ng budget process—mula sa presentasyon ng mga ahensya, deliberasyon sa plenaryo, hanggang sa bicameral conference meetings.
“This is not just reform. This is transformation. Under the leadership of Speaker Romualdez, the House is opening its doors, lifting the curtain, and bringing the people back to the center of the budget process where they rightfully belong.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
