TULAD ng inaasahan, muling binuhay ng mga miyembro ng Kamara ang quad committee para palutanging ang katotohanan sa mga likod ng mga paratang na katiwalian at paglabag sa karapatan ng mga mamamayan.
Sa ilalim ng House Resolution 106, target ng Kamara palawakin ang mga naiwang imbestigasyon ng 19th Congress hinggil sa mga matagal nang suliranin at hindi pa rin nalulutas na pambansang isyu.
Layon ng HR 106, bibigyan ng kapangyarihan ang mga komite ng Human Rights, Public Order and Safety, Dangerous Drugs, at Public Accounts na magsagawa ng “joint investigation in aid of legislation” sa mga usaping noon at mga lumutang na isyu sa kasalukuyang panahon.
Isinusulong rin ng naturang legislative measure balikan ang mga seryosong kaso at tugunan ang mga problemang hindi pa naaksyunan — tulad ng mga alegasyon ng extrajudicial killings, abuso sa kapangyarihan, ilegal na aktibidad kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), at mga kakulangan sa pananagutan sa hanay ng mga law enforcement agencies at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Muli naman hinirang ng mga kapwa kongresista si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng ika-6 na distrito ng Maynila, bilang chairman ng House Committee on Human Rights.
Makakasama ni Abante sina Rep. Jonathan Keith Flores ng ika-2 distrito ng Bukidnon, Chair ng Committee on Dangerous Drugs; Rep. Rolando Valeriano ng ika-2 distrito ng Maynila, Chair ng Committee on Public Order and Safety; at Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Partylist, Chair ng Committee on Public Accounts.
Para kay Abante, ang pagbuhay sa Quad Comm ay hindi lang pagpapatuloy ng naumpisahan kundi isang obligasyon ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan at katarungan na noon ay naantala o ipinagkait.
Binigyang-diin niya na ang gawain ng Quad Comm ay hindi dapat maging bahagi ng pulitika o pagkampi-kampi kundi dapat ay nakasentro sa pananagutan, transparency, at paggalang sa buhay ng tao.
“There is still work that must be done — truths that remain hidden, perpetrators who remain unpunished, and families who still wait for answers,” ani Abante. “Justice does not expire with time.”
Mariin din niyang pinabulaanan ang anumang alegasyon na politikal ang motibo ng komite, at sinabi: “This is not a partisan crusade. This is a moral one. Because murder knows no color but one — red, the color of blood unjustly spilled.”
Noong ika-19 na Kongreso, nagsagawa ang Quad Comm ng mga magkatuwang na pagdinig sa ilang mataas na uri ng isyu gaya ng pagkawala ng mga “missing sabungeros,” pagsasagawa ng mga anti-drug operations ng mga awtoridad, at pag-usbong ng mga sindikatong sangkot sa ilegal na offshore gambling operations.
Sa imbestigasyon ng komite, nabunyag ang nakakabahalang mga padron ng pang-aabuso sa kapangyarihan na bumagtas sa iba’t ibang nasasakupan, na naging dahilan para manawagan ang civil society, mga pamilya ng biktima, at iba pang sektor na ipagpatuloy ang imbestigasyon at maisalin ito sa makabuluhang batas.
Paglilinaw ni Abante layon ng Kamara sa likod ng pagbuhay Quad Comm ipagpatuloy ang pundasyon na inilatag ng naunang lupon.
Nakatakda rin aniyang balikan at suriin ng tinawag niyang Quad Comm 2.0 ang mga naunang testimonya, muling tatawagin ang mga resource persons, at palawakin ang saklaw ng imbestigasyon upang matugunan ang mga bagong pangyayari, kabilang ang pag-usbong ng mga organized crime network at mga alegasyon ng sistematikong pang-aabuso ng mga nasa pamahalaan.
Inaasahan naman makakatulong ang naturang imbestigasyon sa pagbalangkas ng mga panukalang batas na magpapatibay sa mga mekanismong naglalayong maiwasan ang mga abuso at mapalakas ang mga institusyon.
Kabilang sa mga pangunahing panukala na isinusulong ay ang Anti-Extrajudicial Killing Act at ang Civil Forfeiture Act. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
