NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA mga nais magkaroon ng sariling tahanan pero wala pang pinansyal na kakayahan, huwag palampasin ang “Early Bird Promo” na hatid ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang panawagan ni House Speaker Martin Romualdez sa mga maralitang pasok sa kategorya ng informal settlers at maging sa hanay ng mga nangungupahan.
Kasabay nito, pinuri ni Romualdez ang Pag-IBIG sa paglulunsad ng proyektong nagbibigay ng 10-year, three-percent subsidized interest rate para sa unang 30,000 aplikante ng 4PH program.
Ayon sa pinuno ng Kamara, ang “early bird promo” ay malaking tulong para sa first-time homebuyers at mahalagang hakbang upang matupad ang pangarap magkaroon ng sariling bahay.
Ang nasabing hakbang aniya ng Pag-IBIG Fund ay magiging daan upang mas maging accessible ang socialized housing sa mga low-income households, kung saan hinimok din niya ang ahensya na ipagpatuloy ang mga bago at kapakipakinabang na programa nito.
“This initiative is further proof of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.’s commitment to addressing the country’s housing backlog while fulfilling a basic yet often costly need of our countrymen—a decent roof over their heads,” pahayag ng House Speaker.
Umaasa naman si Romualdez na ang “early bird promo” ay hindi ang huling inisyatiba ng Pag-IBIG Fund lalo na sa hangaring maging madali at makabuluhan para sa low-income families ang government housing projects.
“Kumpiyansa kaming mga mambabatas na ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos, sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund at iba pang ahensya, ang pagpapalawig ng socialized housing para sa ating mga kababayan. Dapat maramdaman ng ating mga kababayan na sandigan nila ang pamahalaan sa pagbuo at pag-abot ng kanilang mga pangarap,” dagdag ng mambabatas.
