TULAD ng inaasahan, pormal nang hiniling ng Estados Unidos sa Department of Justice (DOJ) ang ulo ng nakakulong na si former presidential spiritual adviser Pastor Apollo Quiboloy sa bisa ng isang extradition request.
Nahaharap ang 75-anyos na si Quiboloy sa mga mabibigat na kaso sa Estados Unidos kabilang ang child sex trafficking, pangmomolestya sa mga menor de edad, pandaraya, at money laundering.
“The US is seriously seeking the extradition request and taking the necessary steps with the Philippine government in bringing him to justice,” wika ng isang source ng GMA News Online na unang naglabas ng balita hinggil sa extradition request ng Estados Unidos sa DOJ.
“Malacañang is also aware of the US extradition request,” dagdag pa ng source sa panayam ng GMA News Online.
Kabilang si Quiboloy sa talaan ng Most Wanted ng United States – Federal Bureau of Investigation (FBI).
Kabilang rin sa mga kasong isinampa laban sa founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion; sex trafficking of children; at bulk cash smuggling.
Taong 2021 nang ilahad ng ng US federal prosecutors ang umano’y pamumwersa ni Quiboloy sa mga babaeng KOJC members (kabilang ang mga 17-anyos pababa) na makipagtalik sa kanya “dahil yun ang kaloob ng Diyos.”
Pasok din si Quiboloy sa kasong forced labor, labor trafficking, document servitude, marriage fraud, at money laundering.
Batay sa extradition treaty na nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos noong 1994, lahat ng extradition requests ay dapat idaan sa diplomatic channel at suportado ng mga dokumento na naglalarawan sa pagkakakilanlan at posibleng kinaroroonan ng taong hinahanap.
Kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail si Quiboloy bunsod ng mga kasong sexual abuse, child abuse, at human trafficking sa Pilipinas.
