
HINDI sapat ang paghanga para ipadama sa mga dakilang guro ang malasakit ng Kongreso, ayon kay House Speaker Faustino Dy, kasabay ng isang pangako – sapat na alokasyon para sa sektor ng edukasyon.
Sa isang pagtitipon ng humigit kumulang 2,000 educators mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan, nagpaabot din ng pinakamataas na pagpupugay si Dy sa hanay ng mga guro.
“Ngayong ipinagdiriwang natin ang World at National Teachers’ Day, buong puso kong ipinapaabot ang aking pinakamataas na pagpupugay sa ating mga guro, ang mga haligi ng edukasyon at tagapagtatag ng kinabukasan ng ating mga kabataan,” wika ni Dy na panauhing pandangal sa pagdiriwang ng World and National Teachers Day sa Isabela Convention Center.
“Sa kabila ng kakulangan ng pasilidad, bigat ng trabaho, at hamon ng makabagong teknolohiya, patuloy kayong nagsisilbing ilaw ng pag-asa at inspirasyon,” dagdag pa niya.
Ayon kay Dy, marapat lamang bigyang parangal ang hanay ng mga guro dahil isa sila sa haligi para sa pagkakaroon ng maunlad na bansa at sa kabila ng hamong kanilang hinaharap ay nananatili matapat sa pagganap ng kanilang responsibilidad sa paghubog at pagbabahagi ng kaalaman sa mga kabataan.
Ipinabatid naman ng House Speaker sa mga guro ang pagsisiguro ng Kongreso na magkaroon ng sapat na pondo ang sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget.
“Sa pagbuo ng (2026 national) budget na ito, tinugunan natin ang panawagan ng Pangulo (Ferdinand Marcos Jr.) na bigyang pansin at sapat na suporta ang sektor ng edukasyon.”
Partikular na tinukoy ng lider ng Kamara ang P928.52 billion allocation para sa Department of Education (DepEd), na isang makasaysayan dahil sa unang pagkakataon ay katumbas ito ng four percent ng gross domestic product o GDP ng bansa.
“Ang halagang ito ay nakaayon upang resolbahin ang mga agarang pangangailangan habang namumuhunan din tayo sa pangmatagalang reporma sa edukasyon,” sambit ng Isabela lawmaker.
Pasok aniya sa mga programang pinaglalaanan ng pondo ang problema sa class congestion, child malnutrition, at kakulangan sa learning materials.
“Kita rin natin ngayon ang malinaw na suporta ng Pangulo sa sektor ng edukasyon. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, mas mataas na ang mga benepisyo at allowance na natatanggap ng ating mga guro,” aniya pa.
Sinabi ni Speaker Dy na kabilang sa key programs ni Presidente Marcos ang pagbibigay ng P10,000 teaching allowance sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act; ang P7,000 medical allowance naman para sa qualified teachers; ang pagkakaroon ng Special Hardship Allowance para sa mga guro na nakatalaga sa remote areas, at ang P1,000 annual Teachers’ Day incentive.
Pag-amin ng House Speaker, hindi kayang tumbasan ng insentibong pinansyal ang dedikasyon at sakripisyo ng mga guro.
“Alam naming hindi pa rin ito sapat, dahil walang katumbas ang oras, pagod, at sakripisyo ninyo para sa inyong mga estudyante. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang matiyak na makukuha ninyo ang suportang nararapat sa inyo,” saad pa niya
“Bilang kinatawan ninyo sa Kongreso, mananatiling pangunahing layunin natin ang isulong ang mga panukalang batas at programang magpapabuti sa kalagayan ng ating mga guro, mula sa makatarungang sahod at benepisyo hanggang sa mas maraming oportunidad para sa propesyonal na pag-unlad.” (ROMER R. BUTUYAN)