HINILING ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad na ipatigil ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang mabigat na epekto ng sunud-sunod na oil price hike.
Ayon kay Elago, ang walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay “panibagong dagok sa mga manggagawa, jeepney drivers, delivery riders, at pamilyang araw-araw na umaasa sa pampublikong transportasyon.”
Ginawa ng ranking lady House minority official ang panawagan matapos na magpatupad ngayong araw ang mga petroleum dealer ng P1.70 per liter increase sa gasolina; P2.70 kada litrong taas naman sa diesel; at dagdag na P2.10 per liter sa kerosene.
Ayon kay Elago, ang sunod-sunod na oil price hike ay mayroong direktang epekto sa presyo ng basic goods at services, at tiyak na dagdag-pahirap sa mga ordinaryong mamamayan, na kakarampot at hindi naman nagbabago o tumataas ang kanilang kinikita sa araw-araw.
“Habang patuloy na nagtitiis sa taas-presyo ang mamamayan, lumalaki naman ang kita ng mga oil companies at nananatiling buo ang excise tax na ipinapataw ng gobyerno,” paglalarawan ng kongresista sa serye ng taas-presyo sa gasolina, krudo at kerosene.
Hirit ni Elego, agad na ibasura ang probisyon sa TRAIN Law partikular ang pagpapataw ng excise taxes sa petroleum products, at ang pagpapatupad ng re-nationalization sa oil industry sektor ng bansa para matiyak ang pagkakaroon ng stable pricing at accountability.
“Hangga’t nakatali tayo sa dayuhang langis at sa dikta ng malalaking kumpanya, paulit-ulit natin mararanasan ang ganitong kalbaryo. We vow to file measures in Congress to junk the Oil Deregulation Law, strengthen consumer protection, and amplify calls for immediate relief for sectors most affected by fuel price hikes, particularly transport workers,” (ROMER R. BUTUYAN)
