TAHASANG sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio na sa halip na makatulong ay makagugulo lamang umano ang mungkahing pagbuo ng Independent People’s Commission on Infrastructure partikular sa layuning siyasating mabuti, tukuyin at papanagutin sa batas ang mga sangkot sa malawakang katiwalian sa iba’t-ibang infrastructure projects ng pamahalaan.
Pagbibigay-diin ni Tinio, dapat hayaan na lamang ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsagawa at ipagpatuloy ang sinimulang imbestigasyon hinggil sa flood control anomalies at katiwalian sa iba pang government infra projects.
Dagdag pa ng ranking House minority bloc official, ang pagtatatag ng isa pang investigating body ay lalo lamang magpapatagal sa proseso partikular sa aspeto ng pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon.
Ayon kay Tinio, dahil nagsimula ng mag-imbestiga ang ICI, kailangang magtuloy-tuloy na lamang ito lalo’t naiinip na umano ang taumbayan na mapanagot sa batas ang mga mapapatunayan responsable sa maanomalyang flood control projects.
Giit ng mambabatas, sa halip, ang dapat na gawin ay dagdagan pa ang kapangyarihan ng ICI, na sa paningin na rin mismo ang ilang sektor ay kulang, upang mas lalong maging epektibo ito sa hangarin maungkat ang tunay na pangyayari sa flood control anomalies.
Ang mga pahayag na ito ni Tinio ay mistulang pagsopla sa hirit ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, na kamakailan ay naghain ng House Bill 5699.
Sa nasabing house bill, iminungkahi ng Metro Manila lawmaker na magtatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption, na dapat umanong magkaroon ng subpoena at contempt power, magpatupad ng preventive suspension, magsampa ng kaukulang kaso at maglabas ng hold departure order sa lahat ng mga sangkot sa anomalyang may kaugnayan sa infrastructures projects ng gobyerno. (ROMER R. BUTUYAN)
