TIMBOG sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa 17 personalidad na pakay ng warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Kinilala ang suspek sa pangalang Engr. Dennis Abagon ng DPWH Mimaropa regional office. Nadakip si Abagon sa Quezon City. Arestado rin ang dalawang hindi pinangalanang indibidwal na sasampahan ng kasong obstruction of justice.
Kabilang sa mga narekober ng mga operatiba ang ilang cell phones at iba’t-ibang SIM cards na gamit na umano’y ginagamit ng suspek para hindi matunton.
Gayunpaman, iginiit ni Abangon na nakatakda na sana siyang sumuko nang matunton ng NBI.
“Wala naman akong ginawang masama. Ginawa ko lang ‘yung trabaho ko. Wala akong kinita,” wika ni Abangon na nagtrabaho sa DPWH sa nakalipas na 33 taon.
Samantala, patuloy naman ang manhunt operation sa 16 na iba pa — bukod pa kay former Ako Bicol Rep. Zaldy Co na nagtatago sa ibang bansa.
Nag-ugat ang kaso sa P289-milyong ghost flood control project ng Sunwest Corporation na pag-aari ng puganteng kongresista. (LILY REYES)
