SA gitna ng napipintong paghahain ng impeachment complaint bunsod ng irregularidad sa 2025 national budget, walang bakas ng kaba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, nakahanda ang Pangulo harapin ang alegasyon anumang oras, lalo pa aniya’t walang basehan ang pinupukol na paratang.
Garantiya ni Castro, tatalima sa proseso ang Pangulo, alinsunod sa probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution.
Pagtitiyak ni Castro, hindi pwedeng basehan sa paghahain ng impeachment complaint ang paglagda ng Pangulo sa 2025 GAA na sinasabing puno ng insertions.
Giit ni Castro, walang ninakaw na pera si Marcos.
“Pero kung pag-uusapan po natin ay breach of public trust dahil nabanggit ito tungkol sa di umanong pagpirma sa GAA, ang Pangulo po, unang-una, hindi po siya nagnakaw ng pera. Pangalawa, siya ang nagpapaimbestiga sa mga maanomalyang flood control project at maaaring naging sanhi ng korapsyon. Pangatlo, wala po siyang “Mary Grace Piattos,” patutsada ni Castro.
Hindi man hayagan, nakaamba ang pasaring kay Vice President Sara Duterte na umano’y lumustay ng hindi bababa sa P612.5 milyong intelligence fund na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President at the Department of Education na dati niyang pinamunuan.
Para kay Castro, suportado pa rin ng mga Pilipino ang Pangulo sa kabila ng pagsadsad ng trust rating ni Marcos sa pinakahuling uncommissioned survey ng isang research firm.
Kumbinsido rin ang Palace official na ang kampo ni Duterte ang nasa likod ng planong impeachment laban kay Marcos. (LOUIE LEGARDA)
