WALANG aasahang special treatment ang mga government officials na nahaharap sa kaso kaugnay ng flood control scandal.
Ito ang tiniyak ni Supt. Jayrex Bustinera na tumatayong tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa isang panayam kasabay ng idinaraos na Second National Decongestion Summit sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Bustinera, mahigpit na pinaiiral ng BJMP ang tinawag niyang zero tolerance sa anumang anyo ng VIP treatment sa hanay ng mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa ilalim ng kustodiya ng kawanihan.
Babala ng BJMP spokesperson, sasampahan ng kasong administratibo at maaaring tanggalin sa serbisyo ang mga warden na mahuhuling nagbibigay ng VIP treatment.
Dagdag pa ni Bustinera, magbibigay ang DILG ng body-worn cameras sa mga tauhang humahawak ng dating opisyal ng gobyerno upang matiyak ang transparency at accountability.
“We trust that our employees are professional and will follow professional ethics and guidelines, and they will follow rules on no VIP treatment,” aniya. (JULIET PACOT)
