HAYAGANG tinuligsa ng tatlong partylist groups sa Kamara ang pagbabanta ng Chinese Foreign Ministry sa mga opisyal ng Pilipinas matapos manindigan sa usapin ng West Philippine Sea.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Liberal Party (LP), Akbayan at Mamamayang Liberal (Ml) partylist groups patutsada sa umano’y masamang sasapitin ng mga opisyal ng Pilipinas kung patuloy na maglalabas ng malisyong pahayag kontra China.
Giit ng tatlong panig, ang pananakot ay nagpapalala sa mainit na sitwasyon sa pinagtatalunang teritoryo.
“Walang estado ang may awtoridad na magbanta sa mga opisyal ng ibang soberanong bansa para sa pagpapahayag tungkol sa mga beripikadong pangyayari sa loob ng sariling nasasakupang dagat.”
“May batayan ang mga pahayag na ginawa ng mga opisyal ng Pilipinas tungkol sa mga insidente sa West Philippine Sea: mga dokumentadong pangyayari, na bahagi ng opisyal na tungkulin, at naaayon sa pandaigdigang batas, kabilang ang umiiral na 2016 Arbitral Award.” saad ng pina-isang pahayag ng mga naturang partylist groups.
Sinalungat din ng LP, Akbayan at ML ang giit ng China na nagsabing isang probokasyon ang pagsisiwalat ng Pilipinas sa totoong nangyari at marahas na karanasan ng mga Pilipinong mangingisda mula sa Chinese maritime authority sa nasabing karagatan.
Anila, ang patuloy na intensyon ng China sa pagkontra sa mga pahayag ng opisyal ng Pilipinas ay para ilihis ang isyu at linlangin ang international community.
“Hindi nakakapagpataas ng tensyon ang pagsasabi ng totoo; ang mga iligal na pagsalakay ng Tsina, ang mga agresibong maniobra, at mga lantarang pagbabanta ang ganoon,” anila.
Panawagan ng tatlong samahan sa Department of Foreign Affairs (DFA), gumawa ng kaukulang diplomatic actions at isaalang-alang na may banta ang isang dayuhang embahada sa mga partikular na opisyal ng gobyerno.
“Dapat manguna ang DFA sa pagtatanggol sa mga Pilipinong mamamayan at opisyal na iginigiit lamang ang kanilang mga karapatan, at hayagan at responsableng gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa kanilang sariling bansa.”
“Ang Pilipinas ay dapat ligtas na lugar para sa mga Pilipino. Hindi tayo dapat tinatakot, binabalaan, at pinupuntirya sa sarili nating tahanan ng isang panauhin na gumagamit ng pribilehiyong diplomatiko para salakayin tayo.” (ROMER R. BUTUYAN)
