MATAPOS ganap na tuldukan ang usapin sa “constitutionality” ng impeachment complaint na inihain sa Kamara, nilinaw ng Korte Suprema ang batayan ng desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier, hindi lamang impeachable officer kundi maging ang proseso ng impeachment ang dapat suriin pagdating sa pagbibigay ng hatol.
Matapos manindigan sa “unconstitutionality” ng Articles of Impeachment laban sa bise-presidente, ipinaliwanag ng mahistrado ang kawalan ng “due process” at paglabag sa “one-year bar rule” ang naging dahilan ng pagbasura sa Motion for Reconsideration na hirit ng Kamara.
Ayon kay Lazaro-Javier, ang pananagutan ay para sa lahat kaya dapat hindi lamang ang opisyal na ini-impeach ang sinusuri at hinuhusgahan, kundi pati ang institusyong nagsampa ng kaso.
Mahalaga rin aniya ang pagiging patas ng proseso, ang pagiging bukas ng mga pagdinig at ang pagsunod sa 1987 Constitusyon.
Kapag ang impeachment aniya ay isinagawa nang may kapabayaan, ang pinsala ay hindi lang sa opisyal na natanggal, kundi pati sa tiwala ng publiko sa lehislatura at Konstitusyon. (JULIET PACOT)
