MATAPOS ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Kamara kaugnay ng hirit na patalsikin sa pwesto si Vice President Sara Duterte, nakatakdang maghain muli ng impeachment complaint ang mga militanteng kongresista laban sa pangalawang pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ng Makabayan bloc ang pagtalima sa angkop na proseso sa hangarin panagutin ang bise presidente dahil sa anila’y kataksilan sa bayan at hayagang paglabag sa 1987 Constitution.
Kabilang sa mga kongresistang nagpahayag ng kahandaan isulong ang bagong impeachment complaint laban kay Duterte sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Renee Louise Co.
Una nang nanindigan ang Korte Suprema sa desisyon kung saan idineklarang “unconstitutional” ang ikaapat na impeachment complaint sa Kamara laban kay Duterte. Anang mga mahistrado, nilabag ng mababang kapulungan ang one-year bar na nakasaad sa ilalim ng Saligang Batas.
Paliwanag ng Korte Suprema, nabigo ang Kamara aksyunan ang unang tatlong impeachment complaints na inihain noong nakaraang taon. Nilinaw rin ng kataas-taasang hukuman na ang “session day” ay tumutukoy sa aktwal na araw ng sesyon ng Kamara at hindi sa legislative calendar.
Mungkahi ng Korte Suprema sa Kamara, magtakda ng sariling Rules on Impeachment.
Ang one-year bar rule sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte ay matatapos sa Pebrero 6.
