DAHIL sa limitadong pondo, ang lahat ng batas, mga programa at maging mismong ahensya ng gobyerno ay dapat isailalim sa regular pagbusisi para timbangin ang estado, kapakinabangan at kung angkop pang gastusan ng gobyerno.
Ito ang iginiit nina Solid North Partylist Rep. Ching Bernos at Abra lone district Rep. JB Bernos sa inihain nilang House Bill No. 7467 o ang Sunset Review bill.
Paliwanag ng tinaguriang Solid North tandem, marapat lamang na sumailalim sa kaukulang pagrebisa ang mga batas na nagtatakda ng partikular na programa at ahensya ng pamahalaan lalo na ang pinaglalaanan ng pondo sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
“Government operates on limited resources, therefore it is only proper that we constantly review how the funds we pour towards implementing our statutes are being spent. Maraming nasasayang na pondo dahil sa pagpapatupad ng mga batas na hindi na angkop sa panahon o hindi kaya dahil sa mga non-performing na ahensya,” wika ni Congresswoman Ching Bernos said.
“The House Bill No. 7467 or the Sunset Review bill aims to promote accountability, fiscal responsibility, and evidence-based governance so we can ensure that our laws and agencies do what they are meant to do, and discard them when they are no longer up for the job or have been rendered unfit for the times,” dugtong ng Solid North partylist lady solon.
Sa panig ng Abra province lawmaker, sinabi niyang mahalaga magkaroon ng kaukulang batas sa pagtatakda ng isang ‘blanket sunset review’ upang matiyak din na ang gobyerno ay agad na makatutugon sakaling ang partikular na batas, ahensya at programa ng alinmang ahensya ay hindi na epektibo.
“With a mandatory review we strengthen transparency, discipline, and evidence-based policymaking. Maiiwasan natin ang paggawa ng batas na bara-bara lang dahil mai-expose ito sa review. Dapat bawal ang kulelat na batas at ahensya dahil nasasayang ang kaban ng bayan sa mga ito,” punto pa ni Rep. JB Bernos.
Nakasaad sa naturang panukala na ang mga batas at government program ay isasailalim sa ‘sunset review’ limang taon makaraan ang implementasyon, habang ang mga ahensyang nilikha sa bisa ng batas ay bubusisiin makalipas ng 10 taon ng operasyon.
Matapos na maisalang sa kaukulang pagsisiyasat, nais ng mag-asawang Bernos na ang batas, programa at ahensya ng gobyerno ay maaaring lamang ipagpatuloy, amyendahan o bigyan ng reauthorization ng Kongreso.
Ang bubuuing Joint Congressional Sunset Review Committee, na kabibilangan ng patas na bilang ng mga miyembro sa panig ng Senado at Kamara ang silang magsasagawa ng sunset reviews.
Samantala, ang constitutional bodies, sangay ng hudikatura at mga batas na nagsusulong ng constitutional rights ay hindi isasama sa automatic sunset review.
