WALANG lugar sa sibilisadong lipunan ang mga abusado, lalo pa’t unipormado.
Ito ang giit ng Department of Justice (DOJ) matapos maghain ng pormal na reklamo ang mga gwardya at karpinterong inaresto, ikinulong at sinaktan ng hepe ng Dasmarinas Police Station sa lalawigan ng Cavite.
Bukod sa chief of police, kabilang rin sa mga sasampahan ng kaso ang 20 iba pang pulis na posibleng maharap sa kasong illegal arrest, arbitrary detention at grave physical injury.
Ayon kay Atty. Fatimah Villanueva, abogado ng mga biktima, Disyembre 21 noong nakalipas na taon nang dakpin ng humigit kumulang 20 pulis ang 12 karpinterong nagtatrabaho sa isang gusali sa Cavite.
Enero 6 ng kasalukuyang taon naman, nang dakpin ang pitong security guard nang walang mandamiento de arresto mula sa husgado.
Sinasabing nag-ugat ang pag-aresto sa bunsod ng hidwaan sa pagmamay-ari ng gusali.
Ayon kay Villanueva, pinili ng mga biktimang ikinulong at sinaktan sa loob ng ng apat na araw, direktang maghain ng reklamo sa DOJ sa takot na mapahamak kung sa lokal na himpilan idudulog ang kanilang sinapit sa kamay ng mga pulis.
Pag-amin ng abogado, dumulog na rin ang mga biktima sa National Police Commission. (JULIET PACOT)
