TULAD ng inaasahan, pormal nang sinampahan ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang 18 dating sundalong kumaladkad kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa malawakang korapsyon sa gobyerno.
Bukod sa 18 dating miyembro ng Philippine Marines, kabilang rin sa sinampahan ng reklamo si Atty. Levito Baligod at former Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa paratang na tumanggap ng kickback si Marcos.
Ang naghain ng reklamo — si National Security Adviser Eduardo Año.
Sa reklamong isinumite ni Año, partikular na tinukoy ang umano’y paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code at Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
“I have to protect my name. I will not sell my name to anyone,” ani Año, sabay giit na malisyoso ang paratang.
Maghahain pa aniya siya ng hiwalay na reklamo para sa cyberlibel at perjury laban sa mga nag-akusa.
Lumutang ang pangalan ni Año na umano’y kabilang sa mga dumalo sa sa isang pulong kasama sina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at Rep. Leila de Lima.
Bilang dating Interior and Local Government Secretary, mahigpit niya umanong ipinatupad ang “no take, no gift” policy. (JULIET PACOT)
