PIHADONG balisa na ngayon sina Senador Jinggoy Estrada at former Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na “submitted for resolution” na ang mga kinakaharap na reklamo.
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng kagawaran, isasalang na sa pagsusuri ang mga alegasyon, gayundin ang kontra-salaysay ng mga inireklamo kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Pag-amin ni Martinez, natanggap na ng DOJ ang mga counter-affidavit ng mga inireklamo.
Bukod kina Estrada at Bonoan, kabilang rin sa mga respondents sa reklamo sina former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Gerard Opulencia, Henry Alcantara at iba pang mga dating opisyal ng DPWH.
Nang tanungin kung kailan ilalabas ang resulta ng pagsusuri, ang tanging sagot ni Martinez ay “sa loob ng 60 araw.”
Gayunpaman, posible rin aniyang palawigin pa ng karagdagang 30 araw sakaling may mayroon pang ‘pending incidents.’
Partikular na nahaharap ang mga respondents sa reklamong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Plunder sa ilalim ng RA 7080, Direct Bribery and Receiving Gifts by Public Officers at Corruption of Public Officers.
Nag-ugat ang mga reklamo sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
