PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pansamantalang suspensyon o pagkakaltas ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sa botong 247 kongresistang pabor, ganap na pinagtibay ang House Bill 8418 (proposed fuel excise tax suspension and reduction measure).
Para kay House Majority Leader and Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ang naturang panukala ay magsisilbing “safety valve” sa panahon ng global disruptions, gaya na lamang ng nagaganap na hidwaan sa Middle East na nagbigay-daan sa malaking pagsipa sa presyo ng petrolyo at maging sa pang-araw araw na gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
“This measure is in direct response to the ongoing crisis in the Middle East that has a direct effect on fuel prices and the cost of basic goods in the Philippines. Lalo na ngayon, lagpas P90 na ang diesel. Kailangan na nating isabatas ito para direktang makaginhawa sa ating mga kababayan,” wika ng batang Marcos na katuwang ni House Speaker Faustino Dy III sa pagbalangkas ng HB 8418.
“If the President can temporarily lift the excise tax, that is up to P10 per liter for gasoline and P6 per liter for diesel that can be taken off the price that people pay,” dagdag ng Ilocos Norte lawmaker.
Ani Marcos, sa ilalim na rin ng masugid na paggabay at liderato ni Speaker Dy ay natutukan ng lubos at naging maagap ang kanilang pag-aksyon sa mga pangunahing panukalang batas.
