HINDI bababa sa 160 indibidwal ang inaresto sa Tondo, Maynila ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon laban sa online sabong.
Partikular na sinalakay ng mga operatiba ang sabungan sa Vitas na makailang ulit na umanong inireklamo ng mga residente mula sa nasabing lugar.
Ayon kay CIDG Manila District Field Unit Chief Lt. Col Angelo Camuyot, karamihan sa mga inaresto ay mga mananaya. Gayunpaman, may ilan aniyang isinailalim sa kustodiya ng pulisya sa paniwalang bahagi ang mga naturang indibidwal sa mga nangangasiwa ng online sabong.
Kabilang sa mga nadakip sa naturang operasyon ang mga babaeng teller sa nasabing sabungan.
Samantala, tikom naman ang bibig ng mga opisyales ng barangay sa iligal na sabungan sa nasasakupan.
Batay sa impormasyon ng pulisya, ibino-broadcast umano ang iligal na sabong sa isang local website.
